Saturday, September 26, 2009

BINGIT NG PANGANIB: BAGYONG ONDOY









Panatag ba ang aking kalooban sa ngayon?

Maaga akong umalis ng bahay mejo maulap at umaambon ngunit di lingid sa aking kaalaman na talagang malala na nga pala ang epekto ng bagyong Ondoy.Pagkagising ko mga ganap alas-siyete ng gabi, nagimbal ako sa aking nakita sa telebisyon, mga taong sumasakay sa bubong na naitangay na ng tubig ulan (sa lugar ng San Mateo, Rizal) pilit silang iniligtas ng mga residenteng nakakita ngunit hindi na nakaya dahil sa lakas ng alon. Ang tanong agad ng aking isipan ay buhay pa kaya sila ngayon? Nakakayanan kaya nila ang hagupit ng mga alon? Tila naging dagat na ang dating mga kalsadang puno ng sasakyan na ngayon mga rubber boats at rescue boats na ang sumusuyod upang mailigtas ang marami pang tao na nasa bingit na ng panganib. Naisip ko tuloy kung anong magagawa ko para sa mga taong nangangailangan ng tulong ko. Sa ngayon mga panalangin lang ang aking maibabahagi.

Nakakalunos na eksena ang aking nakikita sa telebisyon, mga litrato at video na nagpapakita ng hagupit ng bagyong Ondoy. Di ko tuloy maiwasan na maluha at manindig ang balahibo sa lubos na pag-alala at awa sa mga taong nasalanta.

Ito na marahil ang pinakamatinding bagyong naranasan ng Pilipinas sa loob ng 42 taon. Ayon sa PAGASA ang pagbuhos ng ulan ngayon sa loob ng anim na oras ay tulad na ng isang buwang pag-ulan. Ito na kaya ang epekto ng Global Warming? Malamang ito nga.

Ako'y naaawa sa mga nanghihingi ng tulong sa autoridad, kumagat na ang dilim at maghahatinggabi na ay di parin naaabot ng mga rescuers. Nakakapanghinang isipin na wala akong magawa upang matugunan ang kanilang sigaw. Kakaunti lamang ang mga pacilidad at kagamitan ng ating ahensyang nakatalaga sa mga emergency disasters na tulad nito.



Ngunit sa likod ng matinding pananalasa ng bagyong Ondoy naipakita ang pagkakaisa ng mga tao, nagtulong tulong at naghawak kamay upang matawid ang may abot bewang na tubig baha na kalsada, ang mahigpit na yakap ng ama sa kanyang anak habang sila'y inililigtas mula sa kanilang bubungan at iba pang nakaka-antig pusong pagtulong ng mga apektado sa isa't-isa. Marami ring nag-abot ng kanilang tulong, nagbigay ng 50 libong dolyar ang embahada na Estados Unidos bilang tulong sa Piipinas.

Lahat ang apektado, mayaman at mahirap, sikat at di sikat, matanda at mga bata ay nagulantang sa hagupit ng bagyo at nangangailangan ng matinding tulong. Ngi ako nga na nasa kabilang dulo ng Pilipinas ay ramdam na ramdam ang kasawian at kahirapan na nararanasan ng mga apektado sa bagyo.

Makakatulog pa kaya ako ng mahimbing ngayong gabi na aking nasa isip ay ang mga taong humihingi ng tulong at nasa bingit na ng kamatayan?

Ano kaya ang madaratnan ko bukas sa balita? Ang tanging hiling ko at dalangin ay marami pa sanang masasagip at matulungan.

Hahagupit pa kaya si Ondoy bukas o tatahimik na ito at huhupa na ulan at tubig baha?

Anong lugar naman kaya ang susunod sa kinahinatnan ng Pilipinas?

Ano naghihintay sa Pilipinas pagkatapos nitong baha?

Makakapagsimula kaya muli ang mga Pinoy? Sigurado akong... babangong ulit ang pinoy.

No comments: